Sunday, 29 September 2013

Adam



In the beginning was nothing.

I breathed your name on paper.
It fluttered like angel's wings.
And it was good.

I unscrewed the pen and let it linger
on naked skin of paper. I saw you
dancing on the nib, easing your body
onto the page. A drum beats in my rib
and it was good.

I drew you from the womb,
summoned your face
from memory's sacred tombs
Your hair slithered on paper. My hand
grew heavy with the gravity of your gaze.

And I said, let there be night.

Let your lips curve into a half-moon
and your mouth be a flask of wine.
Let rocks sculpt the plateaus of your shoulders.
Let there be bridges. Neck. Sinews. Arms.
Open pathways. Thighs. Roots. Feet.
Let rivers run their course. Blood.
Let there be hiding places. Caves. Navel. Ears.
Bushes. Vines. Let there be fruits.
Breast. An apple in your throat.
Let there be seed. Heart.

Let there be the tree of life.

Your body fills the canvass.
A chiaroscuro, supine,
serpentine.

Immortal as paradise.




This is my first attempt at writing poetry in English. A terrifying experience given the regenerative characteristic of mind monsters that I have to slay every day.  This will be lovingly revised as I grow and improve in my craft.  For now, I'm just grateful that I found the courage to begin. The first step in unknown territory is always a leap of faith. And I am deeply grateful to my first readers (you know who you are) who held my hand and reminded me that everything in life is a work in progress. 

Okay, awat na ang emote.  Sayang ang eyeliner.

Wednesday, 25 September 2013

Nobena ng Abang Maria




 O, San Antonio de Padua,
patron ng mga nawawala.
Hanapin, puso kong dinagit,
tinangay ng kanyang hininga.
Paano ako mabubuo
kung hindi ko siya kasama?

Mahal na San Hudas Tadeo,
patron ng imposibleng hiling.
Pakinggan itong panalangin.
Ibalik ang nawalang oras.
Iligtas sa halik ni Hudas
ang labing sabik sa pag-ibig.

O, San Miguel, punong arkanghel.
Isilid ang aking kumpisal
sa mga basyong bote ng beer.
Nakaubos na’ko ng siyam
May reserba pa sa tindahan.
Magdamag tayong maghuntahan.

San Pablo, patron ng bayan ko.
Buksan nawa ang pitong lawa.
Hugasan ang aking gunita.
Ibigay sa akin ang tapang
na limutin ang kanyang ngalan,
sampu ng aking kahihiyan.

San Juan, patron ng pag-ibig.
Damayan ang pusong napako
sa mga pangako n'yang tanso.
Simbahan ng Pinaglabanan,
sa napipintong kapistahan,
ako’y makikipagbasaan.

O San Pedro, patron ng dagat.
Dulutan mong makapanglambat
taglay kong ganda at halina.
Ang ibig ko’y isdang sariwa.
Makinis at hindi bilasa.
Matinik at galit sa pusa.

Mahabaging santong lalaki
Dingging ninyo ang panalangin,
nitong matris na naghihilam.
Ipag-adya po ninyo kami
sa mga lalaking ulupong
At iligtas po nawa kami
sa mga Huseng binabae.
Ngayon at higit kailanman.

Amen.







Thursday, 19 September 2013

Nawala sa The Princess Bride ni William Goldman




Una kong napanood ang The Princess Bride sa Ateneo Bellarmine Field noong 2002. Pa-uso pa lang si Paolo Santos at ang sumpa ng acoustic remakes. Hindi pa niya ginagawang existential problem ang “Does the Moonlight Shine on Paris After the Sun Goes Down?” na may corollary problem na “If the London Bridge is Falling, Did Anybody Here a Sound?” (Find the value of your X and justify Y)

Mga dalawang taon pa ang bibilangin bago mamaalam ang mythical abs ni Britney Spears dahil sa semilya ni K-Fed. At isang taon naman bago ko sapilitang tatanggapin si Richard Gutierrez bilang sugo ng Mulawin.

Buweno.

Eleven years nang nasa listahan ng mga paborito kong pelikula ang The Princess Bride. Sa loob ng panahong iyon, lumala ang climate change, sumikat si Coco Martin, nagbinata si Aljur Abrenica, gumanda ang ekonomiya ng China, nag-cobra walk si Janine Tugonon, ginisa sa pork barrel ang mga Napoles, nakatatlong ex-girlfriend si PNOY, at nag-existential crisis si Paolo Santos.

Ngayong mas matanda na ako at hindi madaling ma-impress, overrated na sa akin ang ganda ni Buttercup at ang tikas ni Westley alyas Farmboy alyas Dread Pirate Roberts. Pero walang kupas pa rin ang paborito kong sina Fezzik the Rhyming Giant at ang bespren niyang si Menemis Iñigo Montoya (you killed my father, prepare to die). Hindi nalunod sa Ondoy at No-Name Habagat ang pagmamahal ko sa dalawang kumag na 'yon at sa pelikulang ito.




Noong Enero, sa kaarawan ng mahal kong Akelbee, kung saan siya ang namigay ng mga libro imbes na maregaluhan (dahil ganun siya kaastig), nalaman kong nobela pala ang The Princess Bride. Isinulat ito ng Florinese writer na si S. Morgenstern at kalauna'y isinapelikula at ginawang maikling nobela ni William Goldman. Ang mga eksena ng batang si Fred Savage (a.k.a. Arnold sa The Wonder Years) at kanyang lolo ay hango sa totoong karanasan mismo ni Goldman. Ayon sa kanya, The Princess Bride ang nagturo sa kanyang mahalin ang pagbabasa at kalauna'y pagsusulat. Kung hindi siya naboldyak ng influenza sa edad na sampu, malamang hindi siya nagkaroon ng sapat na attention span para pakinggan ang kuwento ng The Princess Bride. Malamang hindi siya naging tambay ng library pagsapit ng pasukan at hindi rin niya nakahiligan ang pagsusulat.

Noong nagdaang Valentines Day (o Thursday para sa mga tulad kong Single and Too Wise to Mingle), binasa ko ang The Princess Bride bilang pagpupugay sa nasirang altar ng Radio Romance at Mellow Touch. Matapos basahin ang 397 pahina ay kumakanta na ako ng Two-Less-Lonely People in the World (and it's gonna be fiiiine).

Mahusay ang pelikulang The Princess Bride, pero may magic ang mga salita sa pahina. Mas maganda si Buttercup at mas matikas si Westley alyas Farm Boy alyas Dread Pirate Roberts sa imahinasyon ko. Bukod dun, mas maraming rhyming scenes si Fezzik sa libro at mas marami ring fight scenes si Menemis Iñigo Montoya. Meron pa silang tig-isang kabanata kung saan ipinapaliwanag kung saan sila nagmula, paano sila lumaki, at kung bakit sila naging, well, ganyan.

Nakakaaliw din ang mga komentaryo ni Goldman tungkol sa hirap ng pagsasalin sa Ingles at pagpapaikli ng kuwentong The Princess Bride. Eh paano kasi, ang orihinal palang nobela ay nuknukan ng haba at tungkol lamang sa pag-angat at pagbagsak ng monarkiyang Florin. Ang siste eh pinili lang pala ng tatay ni Goldman ang mga bahaging isinalaysay sa kanya noon. At syempre, nagpokus ang tatay sa romance at adventure dahil ano raw ba namang fairy tale ang walang romance at adventure?

Naisip ko tuloy na ganito rin ang pagkakasulat natin sa kasaysayan. Karaniwang naalala ng historyador ang mga kabanatang may romance, intriga, at adventure. Kaunting espasyo lang ang nakalaan para sa mga wholesome na tulad nina Fezzik at Menemis Iñigo Montoya. Halimbawa, kabisado natin ang kuwento ng mga chiching ni Henry IV, pero ang kuwento ng unang Homo Erectus na na-Wow-Mali kaya nabitiwan ang sanga ng puno at napilitang makipagsapalaran sa mga halimaw ng lupa-- hindi na natin malalaman kailanman. Bakit? Hindi kasi siya nagawan ng intriga dahil nahuli sa ebolusyon ang ninuno ni Boy Abunda.

Kung hindi mo pa napapanood ang The Princess Bride, heto ang trailer:



Pero siguradong gugustuhin mong magkaroon ng sariling kopya. Pinakamainam na bumili ka ng nobela sa Fully Booked o National Book Store (dong, magbasa ka naman). Mga Php500 ang gagastusin mo. Mas mahal pa sa Starbucks venti o ticket sa sinehan, pero maiuuwi mo naman at puwedeng balik-balikan.

Plan B mo ang maghanap ng kaibigang tulad ng aking Akelbee. Pero ikinalulungkot kong ibalita na nag-iisa lang siya sa mundo.


---

AT MATAPOS KONG PAG-ISIPAN at paglaanan ng oras ang rebyu ng nobelang The Princess Bride, biglang nabasa ko ITO:





Thanks, William Goldman, for making me realize, yet again, how gullible I am and how much humiliation I’d gladly endure for the love of a good story.

Ang Awit ni Mercy



Saan nga ba patungo?
Nagwawakas ba ang balintataw?
At sa humihikbing daniw,
May palad bang naghihintay?

Nilalakbay ang buhay, bitbit ang mga tanong.
Sa akin bang pagbangon, puso ko ba'y aahon?

Ang pintig ng puso'y gumagapang na tutuldok.
Kung saan ang hangganan, hindi ko maarok.
Parang alapaap. Katulad ng pangarap
Abot man ng tanaw, ngunit di ng kamay.
Habambuhay bang babasahin
sa hangin ang saysay?

Saan nga ba patungo, gumagapang na tutuldok?
At sa aking pagbangon, puso ko ba'y aahon?
Pagbangon ba ay pag-ahon?



Naisulat sa labas ng Nuat Thai Spa, matapos panggigilan ni alyas Mercy ang naipong lamig sa aking likuran.