Mga
dalawang taon pa ang bibilangin bago mamaalam ang mythical abs ni Britney
Spears dahil sa semilya ni K-Fed. At isang taon naman bago ko sapilitang
tatanggapin si Richard Gutierrez bilang sugo ng Mulawin.
Buweno.
Eleven
years nang nasa listahan ng mga paborito kong pelikula ang The Princess Bride.
Sa loob ng panahong iyon, lumala ang climate change, sumikat si Coco Martin,
nagbinata si Aljur Abrenica, gumanda ang ekonomiya ng China, nag-cobra walk si
Janine Tugonon, ginisa sa pork barrel ang mga Napoles, nakatatlong
ex-girlfriend si PNOY, at nag-existential crisis si Paolo Santos.
Ngayong mas
matanda na ako at hindi madaling ma-impress, overrated na sa akin ang ganda ni
Buttercup at ang tikas ni Westley alyas Farmboy alyas Dread Pirate Roberts.
Pero walang kupas pa rin ang paborito kong sina Fezzik the Rhyming Giant at ang
bespren niyang si Menemis Iñigo Montoya (you killed my father, prepare to die).
Hindi nalunod sa Ondoy at No-Name Habagat ang pagmamahal ko sa dalawang kumag
na 'yon at sa pelikulang ito.
Noong
Enero, sa kaarawan ng mahal kong Akelbee, kung saan siya ang namigay ng mga
libro imbes na maregaluhan (dahil ganun siya kaastig), nalaman kong nobela pala
ang The Princess Bride. Isinulat ito ng Florinese writer na si S. Morgenstern
at kalauna'y isinapelikula at ginawang maikling nobela ni William Goldman. Ang
mga eksena ng batang si Fred Savage (a.k.a. Arnold sa The Wonder Years) at
kanyang lolo ay hango sa totoong karanasan mismo ni Goldman. Ayon sa kanya, The
Princess Bride ang nagturo sa kanyang mahalin ang pagbabasa at kalauna'y
pagsusulat. Kung hindi siya naboldyak ng influenza sa edad na sampu, malamang
hindi siya nagkaroon ng sapat na attention span para pakinggan ang kuwento ng
The Princess Bride. Malamang hindi siya naging tambay ng library pagsapit ng
pasukan at hindi rin niya nakahiligan ang pagsusulat.
Noong
nagdaang Valentines Day (o Thursday para sa mga tulad kong Single and Too Wise
to Mingle), binasa ko ang The Princess Bride bilang pagpupugay sa nasirang
altar ng Radio Romance at Mellow Touch. Matapos basahin ang 397 pahina ay
kumakanta na ako ng Two-Less-Lonely People in the World (and it's gonna be fiiiine).
Mahusay ang
pelikulang The Princess Bride, pero may magic ang mga salita sa pahina. Mas
maganda si Buttercup at mas matikas si Westley alyas Farm Boy alyas Dread
Pirate Roberts sa imahinasyon ko. Bukod dun, mas maraming rhyming scenes si
Fezzik sa libro at mas marami ring fight scenes si Menemis Iñigo Montoya. Meron
pa silang tig-isang kabanata kung saan ipinapaliwanag kung saan sila nagmula,
paano sila lumaki, at kung bakit sila naging, well, ganyan.
Nakakaaliw
din ang mga komentaryo ni Goldman tungkol sa hirap ng pagsasalin sa Ingles at
pagpapaikli ng kuwentong The Princess Bride. Eh paano kasi, ang orihinal palang
nobela ay nuknukan ng haba at tungkol lamang sa pag-angat at pagbagsak ng
monarkiyang Florin. Ang siste eh pinili lang pala ng tatay ni Goldman ang mga
bahaging isinalaysay sa kanya noon. At syempre, nagpokus ang tatay sa romance
at adventure dahil ano raw ba namang fairy tale ang walang romance at
adventure?
Naisip ko
tuloy na ganito rin ang pagkakasulat natin sa kasaysayan. Karaniwang naalala ng
historyador ang mga kabanatang may romance, intriga, at adventure. Kaunting
espasyo lang ang nakalaan para sa mga wholesome na tulad nina Fezzik at Menemis
Iñigo Montoya. Halimbawa, kabisado natin ang kuwento ng mga chiching ni Henry
IV, pero ang kuwento ng unang Homo Erectus na na-Wow-Mali kaya nabitiwan ang
sanga ng puno at napilitang makipagsapalaran sa mga halimaw ng lupa-- hindi na
natin malalaman kailanman. Bakit? Hindi kasi siya nagawan ng intriga dahil nahuli
sa ebolusyon ang ninuno ni Boy Abunda.
Kung hindi
mo pa napapanood ang The Princess Bride, heto ang trailer:
Pero siguradong
gugustuhin mong magkaroon ng sariling kopya. Pinakamainam na bumili ka ng
nobela sa Fully Booked o National Book Store (dong, magbasa ka naman). Mga
Php500 ang gagastusin mo. Mas mahal pa sa Starbucks venti o ticket sa sinehan,
pero maiuuwi mo naman at puwedeng balik-balikan.
Plan B mo
ang maghanap ng kaibigang tulad ng aking Akelbee. Pero ikinalulungkot kong
ibalita na nag-iisa lang siya sa mundo.
---
AT MATAPOS
KONG PAG-ISIPAN at paglaanan ng oras ang rebyu ng nobelang The Princess Bride,
biglang nabasa ko ITO:
Thanks,
William Goldman, for making me realize, yet again, how gullible I am and how
much humiliation I’d gladly endure for the love of a good story.
No comments:
Post a Comment
Hello, Gordon Sumner!