Wednesday, 25 September 2013

Nobena ng Abang Maria




 O, San Antonio de Padua,
patron ng mga nawawala.
Hanapin, puso kong dinagit,
tinangay ng kanyang hininga.
Paano ako mabubuo
kung hindi ko siya kasama?

Mahal na San Hudas Tadeo,
patron ng imposibleng hiling.
Pakinggan itong panalangin.
Ibalik ang nawalang oras.
Iligtas sa halik ni Hudas
ang labing sabik sa pag-ibig.

O, San Miguel, punong arkanghel.
Isilid ang aking kumpisal
sa mga basyong bote ng beer.
Nakaubos na’ko ng siyam
May reserba pa sa tindahan.
Magdamag tayong maghuntahan.

San Pablo, patron ng bayan ko.
Buksan nawa ang pitong lawa.
Hugasan ang aking gunita.
Ibigay sa akin ang tapang
na limutin ang kanyang ngalan,
sampu ng aking kahihiyan.

San Juan, patron ng pag-ibig.
Damayan ang pusong napako
sa mga pangako n'yang tanso.
Simbahan ng Pinaglabanan,
sa napipintong kapistahan,
ako’y makikipagbasaan.

O San Pedro, patron ng dagat.
Dulutan mong makapanglambat
taglay kong ganda at halina.
Ang ibig ko’y isdang sariwa.
Makinis at hindi bilasa.
Matinik at galit sa pusa.

Mahabaging santong lalaki
Dingging ninyo ang panalangin,
nitong matris na naghihilam.
Ipag-adya po ninyo kami
sa mga lalaking ulupong
At iligtas po nawa kami
sa mga Huseng binabae.
Ngayon at higit kailanman.

Amen.







No comments:

Post a Comment

Hello, Gordon Sumner!