Tuesday, 15 October 2013

Ang higanti ni Anubis



  
Sapagkat palagi na lang siyang nagtitimbang ng puso at naghahatid ng mga kaluluwa sa kaharian ni Amun-Ra, nawawalan na ng kumpiyansa sa sarili si Anubis. Ayon sa kanilang kasunduan, lahat ng kaluluwang pinabigat ng mabuting puso ay hindi mamamatay kundi makikisalo sa piging ni Amun-Ra. Ngunit simula nang lagdaan nila ang kasunduan, naging dehado na si Anubis.

Naghimutok ang kabiyak niyang si Anput. “Yaman lang din na puro pagtitimbang ang ginagawa mo at walang kaluluwang naiiwan dito, bakit ka pa tatawaging diyos ng kamatayan? Hindi ka diyos, Anubis. Timbangan ka lang ni Amun-Ra.”

Umalulong ng pagsang-ayon ang mga aso ni Anubis. Gutom na gutom na ang mga ito. Nginangatngat na nila ang kanilang mga buntot. Duguan na ang sugatan nilang dila. Malayong-malayo sa matatabang kaluluwang nagsasaya ngayon sa hapag ng kanyang kapatid. Ang kapatid niyang nanigas na ang biloy sa bilugang pisngi. Si Amun-Ra na walang ginawa kundi umawit ng papuri, tumugtog ng lira, at magpasalamat sa bawat kaluluwang ihinahatid sa kanya ni Anubis.

Narinig ni Anubis ang alingawngaw ng halakhakan sa piging ni Amun-Ra. Tila tinutuya siya. Siya na panginoon ng kamatayan. Siya na diyos sa kahariang walang laman. Kinuha ni Anubis ang kanyang mga palaso at pinalipad iyon sa hanging pumapagitna sa kaharian ng liwanag at dilim.

Napuno siya ng poot.

Kinatas ni Anubis ang kamandag ng kanyang pangil. Bumaba siya sa lupa at pinahiran ng kamandag ang mga utong at labi ng natutulog na ina.

Tuwing nagpapasuso ang mga ina, sinisipsip ng mga gutom na sanggol ang kamandag ni Anubis. Nauulol sila. Nagpapalahaw. At lalo lamang tumitindi ang kanilang pag-iyak kapag inaalo sila at hinahalikan ng kanilang ina.

Hindi nagtagal, naging makamandag ang laway ng tao. Nabaliw ang taong sumimsim ng halik. Naramdaman niya ang matinding lungkot at poot. Naranasan niya ang magselos at maghiganti. Natutunan niyang nakawin ang ligaya ng iba.

Ngayon, matataba at panay na ang dighay ng mga aso ni Anubis.

Tahimik na ang piging ni Amun-Ra.

No comments:

Post a Comment

Hello, Gordon Sumner!