Sunday, 6 October 2013

Psalmo, Alas-kuwatro



May aninong kumot ang mundong mahimbing.
            Oyaying dumuduyan sa lambat ng hangin.
            Halik ng hamog sa kinikilig na kuliglig.
            Saksi sa pagdadalaga ng mga binhi.

May nagpangalan sa supling ng alabok.
            Humihilom sa lupang sinugatan ng yabag.
            Kamay na humubog sa butil ng buhangin.
            Puntod sa pumanaw na alaala.

May nagkukubli sa hiwaga ng buwan.
            Nagsisindi ng mga alitaptap.
            Kumakatas sa buntung-hininga.
            Sumisimsim sa alak ng bulaklak.

May bituing naaaninag sa kislap ng mata.
            Nagbabasbas sa magkadaupang-palad
            Umiibig sa basag na mangingibig.
            Asin sa pisngi ng kalangitan.
           
May naghihimay sa taludtod ng tula.
            Humahabi ng saysay.
            Nakikinig sa piping panalangin.
            Nagsisilang ng bukang-liwayway.

No comments:

Post a Comment

Hello, Gordon Sumner!