Isa sa mga
nagbigay ng trauma sa akin noong bata ako ang kuwento ni Pinocchio. Si
Pinocchio kasi ang fairy tale character na palaging naglalakad sa bingit ng
kahindik-hindik na pagkakamali. Andun 'yung nagpagoyo siya sa dalawang hoodlum
kaya lumiban ng klase at naglaro sa perya. Andun 'yung kine-kebs niya si Jimini
Cricket, ang kanyang portable kunsensya.
Andun 'yung nagsinungaling siya kay Master Geppetto dahil ayaw niyang malungkot
at madismaya ang lumikha sa kanya.
Gawa sa
kahoy si Pinocchio, pero siya ang pinakatotoong tao sa Fairy Tale universe.
Siguro 'yun ang kaakibat na sumpa ng pagnanais niyang maging Real Boy: ang
pagiging tao ay ang paglalakad sa pilapil na nakalambitin sa bangin ng
pagkakamali.
Pero kahit
alam mong may peligro, maglalakad ka pa rin. Susugal ka pa rin dahil gusto mong
maging Totoong Tao. At ang Totoong Tao, nag-iisip, nagdedesisyon, at tumataya
sa kinabukasan.
Isa sa
sumpa ng pagiging Totoong Tao ang makailang beses na pangangailangang magkula
ng kunsensya. Naalala ko ang unang Shakespeare story na nabasa ko sa edad na
pito. Hindi Romeo at Juliet kundi ang Ladybird children's story version ng
Macbeth. Oo, may matalinong gumawa ng
Ladybird children's story version ng Macbeth. But wait, there's more-- ILLUSTRATED
din ito. Isa sa mga hindi ko malilimutan ang mala-multong imahe ni Lady Macbeth
na naglalakad habang tulog para maghugas ng kamay. Tapos aning na aning siya
dahil hindi nalilinis ng tubig ang mantsa ng dugo nina Lady Macduff, Banquo, at
King Duncan sa kanyang mga daliri. Noon ko naintindihan ang ibig sabihin ng
nababagabag na kunsensya. Noon ko rin naunawaan ang peligro ng pagsisinungaling
sa sarili.
Maraming
taong nanlilinlang ng kapwa. Pero mas marami ang nagsisinungaling sa
sarili. Madalas, nagsisinungaling ka
dahil mas madaling lumiko sa kakahuyan kasama si Big Bad Wolf kesa dumeretso sa
makamandag-kunsensyang sermon ni Grandma. Madalas, tulad ni Pinocchio, curious
lang din tayong malaman kung hanggang saan natin kakayaning makalusot.
Hanggang
saan ba makakalusot kay Geppetto bago magtaray si Blue Fairy at magpataw ng
parusa? Gaano kalayo ang ligtas lakarin bago ma-boljak ng mga haragan? Lahat ba
talaga ng kanto may mga hoodlum na nag-aabang? Masama ba talaga ang lumiban ng
klase para tumambay sa perya? Higit sa lahat, nakakarimarim bang talaga ang
naghihintay na parusa?
Mahirap
maglakad sa makipot na pilapil na nakalambitin sa bangin ng pagkakamali. Pero
mas humihirap ang bawat hakbang dahil natitisod ka ng maraming tanong. Kanan o
kaliwa? Taas o baba? Oo o hindi? Ngayon o bukas? Fish o chicken? Chicken o ham?
Pera o pag-ibig? Coco Martin o Ricky Martin?
Bukod sa
hindi mo na nga alam ang LAHAT eh curious ka pa. Kaya siguro hugis question
mark ang karit (sickle) ni Kamatayan. Curiosity killed the cat at peligroso ang
labis na pambo-Boy Abunda.
Ngunit kung
tutuusin, itong tinatawag nating buhay
ang pinakamalaking misteryo sa lahat. Sa klase ng philo, palaging sinasabi na
ang tao ay hindi deja la, o ganap na nilikha. Habang buhay ka, patuloy
mong papandayin ang iyong sarili dahil sa kamatayan lang ganap na matatapos ang
paglikha ng Sarili. Kung gayon, tayo rin pala mismo ay naglalakad na mga
tandang-pananong. At dahil
tandang-pananong ang tao, hindi niya maiiwasang matisod rin paminsan-minsan sa
kanyang sarili.
Minsan,
hindi mo talaga alam ang sagot sa mga tanong. Minsan, hindi mo namamalayang
nalilinlang mo na pala ang iyong sarili. Minsan, natotorete ka sa dami ng mga
tanong at ayaw mo nang magdesisyon.
Masuwerte
si Pinocchio dahil humahaba ang ilong niya kapag hindi siya nagsasabi ng
totoo. Kumbaga, may ebidensya ang
pagkakamali. At 'pag may ebidensya, mas madali itong aminin sa sarili at
remedyuhan. Mahirap kasing intindihin ang diwa ng kaluluwang hindi mo naman
nakikita. Kung si Jimini Cricket, the Portable Kunsensya nga eh madaling
i-kebs, paano pa kaya ang kunsensyang hindi mo naman nahahawakan?
Marami
akong nakakasalamuha sa pagtatrabaho sa gobyerno. Merong mga nagbibigay
inspirasyon. Mga taong tapat sa serbisyo, may integridad, at mahusay sa
kanilang tungkulin. Pero meron ding nakakadismaya. Sa kanila ko nabatid na ang
kabutihan at kasamaan ng tao ay parang tore ng Babel. Ginagawa nang
paunti-unti. Sa mga pagpili ng desisyong makasarili at gahaman, darating ka sa
puntong hindi mo na alam na mali na pala ang ginagawa mo. Masasanay ka na kasi.
Siguro kapag tulog ka ay nagkukula ka rin ng kunsensya tulad ni Lady Macbeth.
Pero malilimutan mo rin iyon sa pagmulat ng iyong mga mata.
Bago
ginawang Real Boy ni Blue Fairy si Pinocchio, nagdaan muna siya sa matinding
pagsubok. Kailangang patunayan niya na mabuti siyang bata, na makikinig na siya
sa tawag ng kunsensya at gagawin ang tama para sa mahal niyang si Maestro
Geppetto. At nang iligtas niya ang maestro sa pagkalunod, nang ibuwis niya ang
sariling buhay para sa iba, saka lamang siya naging totoong tao.
Sa isang
aspekto, ganun din tayo. Ang ibig sabihin ng pagpapakatao ay pagkilala sa
esensya ng pagiging tao. Ang pagkalinga sa kapwa at paghahanap ng kahulugan sa
bawat sandali ng buhay. Naging totoong tao si Pinocchio nang matuto siyang
magpahalaga ng kapwa.
Sa totoong
buhay, mahirap pahalagahan ang kapwang may atraso sa'yo. Mahirap hanapan ng
redemptive aspect ang lalaking tinatarantado ang kaibigan mong naïve. Mahirap
hanapin ang mukha ng Diyos sa mga taong nakikipagbarilan sa ngalan ng
relihiyon. Mahirap magpakatao sa taong ninakaw ang pinaghirapang buwis ng bayan
para ipambili ng limited edition Ferragamo shoes. Mas masarap silang bangasan,
umbagin, at tratuhing pakshet na malagkit. Sabi ni lord, kapag nahaharap ka raw
sa sangangdaan ng galit at pag-ibig, dapat sa pag-ibig ka pumanig. Subalit sa
mga pagkakataong ito. paano ka magpapakatao nang hindi nagsisinungaling muna sa
iyong sarili?
Sa huling
eksena ng Pinocchio, nagsasayaw sila sa tuwa ni Maestro Geppetto dahil isa na
siyang Real Boy. Si Jimini Cricket naman, gradweyt na sa pagiging portable
kunsensya. Ibig sabihin, simula sa sandaling iyon, pasan na ni Pinocchio ang
tungkuling unawain kung ano ang tama at mali at piliin ang tamang daan. Noong
bata ako, iyon ang ending na pinakaayaw ko sa lahat. Sa ibang fairy tales kasi,
malinaw ang katapusan. Nakuha ng prinsesa ang prince charming, nabali ang
sumpa, at tumira ang lahat sa kastilyong magara. Samantalang si Pinocchio, hayun at bata pa
rin. Tapos na ang pelikula pero nagsisimula pa lamang ang totoong buhay
niya.
Puwede pa
rin siyang magoyo ng mga haragan dahil bata pa siya. Mararanasan pa niya ang
unrequited love. Magkaka-taghiyawat pa siya. Babagsak sa Math at Chemistry. Magtatrabaho para mabuhay. Para sa
tulad ni Pinocchio na naglalakad palagi sa bingit ng pagkakamali, walang
kasiguraduhan ang pagiging maligaya.
Pero siguro
iyon din ang paalala sa atin ng kuwentong ito. Walang kasiguraduhan ang
pagiging maligaya. Ang tanging magagawa mo lamang ay maglakad at magpatuloy. Sa
bawat sandali, pipili ng sagot ang naglalakad na tandang pananong hanggang sa
magwakas ang nobela ng kanyang buhay sa isang tahimik na tuldok.
No comments:
Post a Comment
Hello, Gordon Sumner!