Sunday, 6 October 2013

Nawala sa World Pets Day, October 4



Gusto kong makisaya sa pagdiriwang ng World Pets Day, kaso wala akong pets.

Pet peeves, marami.

Hindi inaalagaan ang pet peeves. Pero dahil kahayupang asal din naman ang pinagmumulan ng mga 'yan, ibida na natin sa araw ng mga hayop.


Showcase A: Banyo Blues

Pet peeve 1: Mga lalaking ginagawang instant palikuran ang LAHAT LAHAT. Wala akong pakialam kung organic ang tingin mo sa ihi mo at pakiramdam mo eh serbisyo sa kalikasan ang basbasan si mother nature. Kung kaya kong magpigil at maghanap ng banyo, kayanin mo rin.

Option A: Dumulog kay Lord
Option B: Mag-invest sa Adult Diaper
Option C: Maghanap ng mambobote

Kapag bumabaha sa Maynila, hindi nakakatulong sa kumpiyansa at kalusugan ko ang maglakad sa katas ng wiwi mong inaanod ng baha. At sino bang matalino ang may pakana nitong floral pink urinal na walang flush, tapos ibinalandra pa sa sidewalk?



                                              (Photo credit: mobilehomefamily.blogspot.com)


Pero brad, bakit ka nagtitiis sa mapanghing pader na nagmamakaawang Bawal Umihi Dito eh mas marami nang SM kesa puno sa Edsa ngayon?

Ayon sa Kasulatan, Here at SM, we've got it all. At dahil inangkin na niya ang lahat, ipagkakait mo pa ba sa kanya ang ginintuang wiwi mo? Don't shy, brad. Lalaki rin daw siya.




Pet peeve 2: Mga babaeng inaabot ng habambuhay sa public CR. Simple lang naman ang ritwal. Magbukas ng pantalon (o mag-angat ng palda), ibaba ang underwear of choice (kung meron man), umihi nang buong lugod, magpahid ng tisyu, at mag-flush. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang matapos ang isang U2 song bago ka lumabas ng banyo. Lalo pa't hindi ka naman kamo nag-number 2. Pinagmunihan mo ba ang kahulugan ng buhay habang umaagos ang tubig sa iyong puwerta? Nag-Maricel Drama Special ka ba sa cubicle dahil nag-away kayo ni William Martinez?

Box office na ang pila sa labas, ineng, at hindi ikaw si Anne Curtis.

Pet peeve 3: Mga banyong walang dangal. Walang tubig, walang tisyu, walang sabon,  walang pinto. Tapos maniningil si Ate ng limang-pisong maintenance fee. Si Ate na mukhang kulang din sa maintenance dahil tagtuyo ang buhay.

Pet peeve 4: Mga banyo sa mall na nagpapaka-exclusive. Ang high-end counterpart ng banyong walang-dangal. Dito ihinihiwalay ang wiwi at pupu ng mga may ekstrang bente pesos sa madlang nagtitipid. Dito, siguradong may tisyu, sabon, tubig, at gumaganang hand dryer. Tapos, naka-lipstik at heels si Ate na tatanggap ng bayad mo sa labas, sabay usal ng Thank You, Please Come Again, na para bang libangan mo sa buhay ang umihi at jumebs.

Pet peeve 5: Ang karimarimarim na pampublikong banyo ng China. Hindi naman talaga ito Pet peeve kundi bangungot, at hindi mo ako maiintindihan hangga't hindi mo nararanasan ang squatty toilets na may tubig na umaagos mula Point A hanggang Point Z. At dahil parang salamin ang tubig, maaaninag mo yung ritwal ng nasa katabing cubicle. Batid mong nasasalamin ka rin niya. At kung anuman ang idineposito ng taong nag-emote sa Point A ay aagos at magpapakilala sa nag-e-emote sa Point B hanggang sa Point Z.  'Yan ang sapilitang kapatiran.

Pet peeve 6: Ang mga banyo sa NAIA. Kapag mala-flight attendant ang buhay mo sa trabaho, madalas mong makaka-bonding ang mga banyo ng NAIA. Mga banyong katulad din ng air-traffic sa Maynila. Congested at laging delayed magbigay ng comfort dahil sa haba ng pila. At ang automatic flush? Parang pangako ng pulitiko sa eleksyon. Walang katiyakan.


Showcase B: Hygiene Hell

Pet peeve 7: Malangis na finger scan machine. Ibig sabihin, hindi winisikan ng disinfectant at pinunasan ever since the world began. Ibig sabihin, marami nang daliring dumampi para mag-time in at mag-time out sa opisina. Mga masisipag na daliring nanggaling kung saan-saan. Puwedeng sa ilong, sa tenga, sa ngipin, sa cellphone ni gerlpren, sa mukha ni Aginaldo, sa hasang ng isda, sa tisyung pinampahid ng puwit, sa patotoy na umasinta sa kubeta. At marami pang iba.

Pet peeve 8: 'Yung lalaking kinusot muna ang ilong bago inabot sa'yo ang bayad (o sukli) sa jeep.

Showcase C: Good Manners and Right Conduct

Pet peeve 9: Si Ateng long-hair na magaan ang feeling kaya keber kung nilalatigo ng buhok niya ang mga katabi sa jeep.

Pet peeve 10: 'Yung taong binagsakan ka ng telepono habang nagsasalita ka pa. Lalo pa't magalang ka naman sa kabilang linya. Karaniwang nangyayari tuwing nag-aayos ka ng appointment para sa kung ano-anong miting ni boss. Kapag tunog bagot at nakanguso sa hangin ang tao sa kabilang linya, 95% ang posibilidad na babagsakan ka niya ng telepono habang nakalambitin pa sa prepositions ang iyong dila.

Unahan mo na.

Pet peeve 11: Mga tuma-triangle sa relasyon. Sa mga pelikula lang nina Brocka at Bernal buma-box-office ang ganyang style. May mga kaibigan akong nagdaan din sa ganyan -- natatsulok o nakipagtatsulok. Pramis, kapatid, tama si Bamboo. Habang may tatsulok, hindi matatapos itong gulo. At patuloy na tatabo sa takilya ang iba't ibang bersyon ng No Other Woman. Irespeto ang sarili at ang kapwa. Huwag gahaman. Pumili ng isa, palayain ang iba.

Pet peeve 12: Mga taong nakikipagpaligsahan ng kasawian sa buhay at umo-Olympics sa pagrereklamo. Nakaka-cancer kayong kausap.

Pet peeve 13: Mga hashtag-happy sa facebook. #bakitbakailanganglahatnakahashtag? #nakakahilo. #nakakainis. #kalatsacyberspace. #anokagoogle? #isesearchmobatalagaulitanginalmusalmokanina? #maypakialambaangworld?

Pet peeve 14: Pabago-bagong Facebook privacy settings. Dear Mark Zuckerberg, hindi lahat ng tao mahilig mag-overshare. Huwag mong gawing public toilet ng China ang internet. Hindi interesado si Person Z sa lahat ng shit ni Person A. At hindi ko gustong maki-connect sa buong universe dahil choosy ako. Yaman din lang na naging bilyonaryo ka dahil sa akin, matuto kang makinig.

Showcase D: But Wait, There's More

Pet peeve 15: Q&A portion ng beauty pageants, ang world cup ng mga becky. Wala akong problema sa paligsahan ng ganda. Pero kailangan pa bang lagyan ng question and answer portion sa dulo ng programa? Ano ang mensahe n'un? Bilang babae, kailangan munang animal akong rumampa sa entablado, walang bilbil sa bikini, at mukhang mamahaling regalo sa evening gown bago ka maging interesadong alamin kung ano ang nasa utak ko.

Kasi beauty pageant nga, e. Paligsahan ng ganda. Pero magpakatotoo tayo. Ganda ang hanap mo rito, hindi talino. Hindi lalim ng pagkatao. Tama na ang pautot na marami kang matutulungang tao kapag nanalo at naging beauty queen. Hindi mo kailangang mag-bikini para tumulong sa nangangailangan. At lalong hindi manggagaling sa koronang made in China ang solusyon sa world peace.



Maligayang araw ng mga hayop!

No comments:

Post a Comment

Hello, Gordon Sumner!